Pagtangis

Mga bisig na may karit ng tadhana
Mukhang namutla sa tinding pangamba
Puso’y may luha at inggit sa kapwa
Pagkatao’y niyuraka’t tinapakang kay sama.

Ang pagtahak sa mahabang halamanang matinik
Nagdulot sa binti ng sakit ng lagitik
Awit ng gubat parang malakas na paltik
Sa kaluluwa’y ang tingi’y gawa sa putik.

Usal ng damdami’y sigaw ng pagkamuhi
Sa sariling kaibahang akala’y kay buti
Galit sa kauri’y sa isipan ay ‘di mapawi
Parang pakong nakabaon sa punong nakatali.

Sa pag-ihip ng ‘yong hanging kay bango
Dulot sa mukha ay daig ang nalango
Ang pagsilay sa iyong kagandahang malago
Mabigat sa balikat ng katauhang nakatago.

Bigkas nitong mga matang pagod at luhaan
Ang pag-asang paglaya mula sa sariling kulungan
Na sana makauwi sa dakila mong kanlungan
Kung saan naroon ang isang magulong kapayapaan.

Ang pag-impit nitong sumasabog na damdamin
Lakas ng pag-ambong hindi kayang pigilin
Ang paghilang kay lupit pilit na ‘wag dinggin
Nitong nagmamatigas na batong sukat hatiin.

Pag-alpas mula sa kagubatang puno ng hapis
Ay pag-asang tuyo at sa puso’y napapanis
Ngunit ang sikat ng liwanag kadilima’y inalis
Upang masulyapan lamang ang landas na paalis.

No comments:

Post a Comment

Popular