Pagdungaw sa Bukas

Madilim at malamig ang kinalalagyan
Noon pa ma'y ganyan nang dinatnan
Gumagawa at naghahanap ng paraan
Upang ang sakit ng tyan ay maibsan.

Balat ay sunog at babad sa araw
May igting at bigat ang bawat galaw
Hirap ng buhay ang laging pananaw
Kaya't kahali-halina ang tawag ng balaraw.

Itsura ay may hapis at kaawa-awa
Malamang ang buhay ay mapariwara
Pagiging mahirap lang ang pagkakasala
Ngunit madungis ang tingin ng madla.

Kailan kaya sisikat ang ginintuang liwanag?
Nang mawakasan ang nadaramang bagabag
Kahit kaunting pag-asa ay mabanaag
Upang sa kahirapa'y may pusong lumabag.

Mula sa kulungang kapalara'y tila ginapas
Dalangin sana ay madaliang makaalpas
Sa Maykapal ay nagsusumamong wagas
Bigyang lakas na dungawin ang bukas.

No comments:

Post a Comment

Popular